Mayroong kautusan na nagtatakda tungo sa malinis na kapaligiran—naglalaman ito ng mga impormasyon at sistema kaugnay sa basura.
Inihain ni Loren Legarda ang RA 9003 taong 2000, kasama ang iba pang mambabatas, na kinalauna’y naging mandato sa mga local government units.
​
Naging opisyal na batas ang RA 9003 noong 2001, panahon ng panunungkulan ng dating presidente Gloria Macapagal-Arroyo.
Nakapaloob sa RA 9003 ang mga parusa sa sinumang lalabag dito. Nakadepende ang matatanggap na parusa base sa nagawang paglabag.
Ilan dito ang pagsisiga at maling patatapon na may multa mula P300-P1,000 o isa hanggang 15 araw na pagkakakulong. Isang libo hanggang tatlong libo naman o 15 araw na pagkakakulong sa mga indibidwal na nagbabaon ng basura sa mga bahaing lugar. Samantala, ang pagtatayo ng gusali malapit sa dumpsite ay may multang P100,000-P1M o 1 hanggang 6 na taong pagkakakulong.
Ang Waste Characterization ay salitang tumutukoy sa pagkakaiba ng nabubulok, ‘di nabubulok, at nareresiklong basura.
Pasok sa kategoryang nabubulok ang mga papel, pagkain, at kahoy. Sa kategoryang 'di-nabubulok naman ang diaper, batteries, at syringe habang nareresiklo ang mga basura tulad ng dyaryo, tin cans, plastic containers, at babasaging bote. Importante na alam ng bawat isa ang pagkakaiba ng mga ito nang sa gayon ay matiyak na tama ang pagdi-dispose sa basura.
Principle of Solid Waste Management: Reduce, Reuse, Recycle
​
Ito ay isa sa mga paraan upang mabawasan ang basura sa paligid. Ngunit, makikita lamang ang tiyak na pagbabago kung sa atin mismong mga gawa magsisimula ang unang hakbang.
Responsibilidad ng bawat isa ang pagpapanatili ng malinis na kapaligiran.
Tungkulin ng lokal na pamahalaan na siguraduhing nakokolekta ang mga basura sa bawat baranggay. Gampanin naman natin bilang mamamayan na sumunod sa tamang paghihiwalay ng mga basura.